Hinimok ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na sa mga supermarket o grocery stores bumili ng prime commodities dahil sumusunod ang mga ito sa suggested retail price (SRP).
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castello ,ahigpit kasing sinusunod sa mga supermarket at grocery stores ang inilalabas nilang suggested retail price.
Karamihan naman sa mga palengke ay hindi nakasusunod sa mga SRP dahil hindi ito saklaw ng monitoring ng DTI.
Pinayuhan din ng ahensiya ang mga retailer sa palengke na maghinay hinay sa kanilang presyo.
Sa ngayon, sinabi ni Castello na halos lahat naman ng dating mga request para sa price adjustment ay naaprubahan at walang nakabinbin, maliban na lamang sa mga bagong request na kailangan muna nilang pag aralang mabuti batay sa verification sa international price index at sarili nilang research kung tama ang presyo ng raw materials.
Sa kabilang dako, Umaabot na sa 16 na show cause order laban sa mga establisyimentong nagbibenta ng mga bawal na vape product ang naipalabas na ng DTI.
Punto ni Castello na mahalaga na sumipot ang mga ito sa ipatatawag na pagdinig ng DTI dahil kung hinde ay sasampahan nila ng reklamo ang mga ito dahil sa paglabag sa batas.
Binalaan din ni Castelo ang mga retail establishment na itago na o wag nang idisplay pa sa kanilang stalls o tindahan ang mga vape product na labag sa isinasaad ng batas kung ayaw nilang makumpiska ito o kaya ay maipasara ang buong tindahan.