-- Advertisements --

NAGA CITY- Hinihikayat ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na samantalahin ang kakulangan ng mga face mask para gumawa ng mga mask na gawa sa tela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jay Ablan, tagapagsalita ng DTI-CamSur, sinabi nitong sa halip na ang presyo ang samantalahin, ang pagtahi na lamang ng mga face mask na gawa sa tela ang pag-aksayahan ng panahon ng mga small entrepreneurs.

Ayon pa kay Ablan, kung papaubos na ang suplay ng mga face masks sa lungsod ng Naga at lalawigan ng Camarines Sur, mas magkakaroon ng pagkakataon ang mga negosyante na mag-isip ng ibang paraan na hindi makakapanamantala sa mga kababayan.

Nabatid na sa ngayon ay nagkaubusan na ng suplay ng mga face mask sa lungsod ng Naga.

Ayon sa ilang mga tindahan, may isang negosyanteng Chinese na nagwhole sale ng kanilang mga panindang face mask kahapon na naging dahilan ng biglaang pagkaubos ng suplay sa lungsod.