-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagpasaklolo na sa Department of Trade and Industry (DTI) Central Office ang regional office nito sa gitna ng nararanasang kakulangan sa supply ng face masks sa buong Cordillera Administrative Region.

Sinabi ni Jerry Agpes, officer-in-charge ng Consumer Protection Division ng DTI-Cordillea, na halos lahat ng malalaking botika sa rehiyon ay nagsabing wala nang stock ng surgical at n95 face masks.

Nag-order na aniya ang mga ito ng face masks sa mga manufacturers dalawang linggo na ang nakalipas subalit hanggang ngayon ay wala pang naidedeliver sa kanila.

Ipinagmalaki naman niya na sa 57 outlets na kanilang isinailalim sa monitoring, natukoy na walang pagbabago sa presyo ng face masks.

Paliwanag ni Agpes, temporary shortage lamang ang nararanasan ngayon pero umaasa silang darating ang suplay sa lalong madaling panahon.

Dahil dito, hiniling nila sa DTI Central Office na makipag-ugnayan sa mga suppliers kasunod ng isyu ng 2019 novel corona virus (nCov).

Kasabay nito, binalaan ni Agpes ang mga retailers at sellers sa hindi pag-hoard at pag-overprice ng mga ito sa mga bentang face masks habang hiniling niya sa publiko ang agarang pagreport ng mga ito sa mga gumagawa ng iligal na business ethics.

Samantala, ipinaliwanag naman ni DTI Baguio-Benguet provincial director Freda Gawisan na nagsimula ang pagkukulang ng suplay ng face mask kasunod ng pagsabong ng Taal Volcano na sinundan pa ng isyu ng nCoV.