-- Advertisements --

Kinakalampag ngayon ng grupong BAN Toxics ang Food and Drug Administration at Department of Trade and Industry na paigtingin ang pagpapatupad ng batas laban sa patuloy na pagkalat ng mga mapanganib na plastic swimming floater toys sa merkado.

Ang panawagan ay bunsod ng nakababahalang resulta ng isinagawang market monitoring ng grupo sa mga pamilihan sa Metro Manila at Tacloban.

Lumabas sa kanilang pagsusuri na ang iba’t ibang uri ng mga laruang pantubig—tulad ng mga swim rings, beach balls, at swim vests—ay nagtataglay ng mataas na antas ng mga mapanganib na kemikal gaya ng lead, mercury, at cadmium.

Bukod sa presensya ng mga nakalalasong elemento, ibinunyag din ng grupo na karamihan sa mga nasabing produkto ay kulang sa tamang label o impormasyon para sa mga mamimili.

Ang kawalan ng sapat na babala at detalye sa mga packaging ay isang malinaw na paglabag sa mga panuntunan ng Republic Act No. 10620.

Binigyang-diin ng BAN Toxics na ang patuloy na pagbebenta ng mga hindi pumasa sa pamantayang produkto ay nagdudulot ng malubhang panganib sa kalusugan ng publiko.