Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang agarang tulong gaya ng pinansiyal, food at non-food items para sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng tumamang magnitude 6.8 na lindol sa parte ng Mindanao.
Ayon pa kay DSWD ASec. for Strategic Communications Romel Lopez, kasalukuyan ng ina-assess ang sitwasyon sa mga rehiyong matinding tinamaan ng lindol sa pamamagitan ng Regional Field Offices at iba pang ahensiya ng gobyerno para matukoy ang kailangan ng mga apektadong indibdiwal kabilang ang mga pamilya ng mga nasawi o nasugatan sa pagtama ng lindol.
Kabilang sa mga nakahandang ibigay sa mga apektado ng lindol ang Emergency Cash Transfer , Assistance to individuals in crisis situation para matulungan ang ating mga kababayang nasiraan ng bahay.
Sa ilalim ng Assistance to individuals in crisis situation, magbibigay ang ahensiya ng hanggang P10,000.
Maliban sa tulong pinansiyal, tiniyak din ng DSWD official ang pamamahagi ng family food packs at non-food items gaya ng hygiene kits, sleeping kits at iba pa.
Nasa kabuuang P1.43 billion ang halaga ng food at non-food items na handang ipamahagi kabilang ang P29.16 million quick response fund na maaaring agad na gamitin ng field offices.
Mayroon ding P14.2 million standby fund ang available sa DSWD field office sa Northern Mindanao, Davao at Soccsksargen.