-- Advertisements --
image 528

Plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbukas ng mas marami pang satellite payout sites sa Metro Manila at karatig na mga lugar para hindi magsiksikan sa kanilang central office.

Kasabay ito ng pagsisimula ng implementasyon ng scheduling system para sa pamamahagi ng aid na nagsimula nitong araw ng Lunes, Pebero 27 mula oras ng alas-5 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Ayon kay DSWD spokesperson Romel Lopez, nagpatupad ng mga pagbabago ang ahensiya sa kanilang sistema para sa aid distribution para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao at komosyon sa kanilang central office sa Quezon city at para hindi na bumiyahe pa ng napakalayo ang mga benepisyaryo.

Kayat planong gawing by cluster ang pagbibigay ng payout sa mga sattelite offices o processing areas gaya ng CAMANAVA, Quezon city at sa Las Piñas at Muntinlupa gayundin sa mga lugar malapit sa NCR gaya ng Rizal, Bulacan at Pampanga.

Ayon pa sa DSWD official, nakikipag-ugnayan na rin si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian para sa mga posibleng venues gaya ng cinema complex, covered court, at gymnasium.