-- Advertisements --
DSWD REX GATCHALIAN

Inalerto na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga regional offices nito, kasabay ng napipintong pananalasa ng bagyong Goring.

Partikular na tinutukan ni Sec. Rex Gatchalian ang Cagayan Valley Region, Calabarzon, at Bicol, na posibleng muling makaranas ng labis na epekto ng bagyo.

Batay sa inilabas n direktiba ni Sec. Gatchalian, kailangan nang tiyakin ng mga regional director na sapat ang kanilang imbentaryo ng mga relief goods.

Pinapatiyak din ng kalihim na may sapat na relief goods na naka-preposisyon sa mga lugar na inaasahang apektado ng nasabing sama ng panahon.

Inatasan na rin ng kalihim ang Disaster Response and Management Group (DRMG) sa mga nabanggit na rehiyon na imonitor ang kalagayan ng publiko, at tiyaking may sapat na supply ng mga food packs lalo na kung kailangan na ang pamamahagi.

Kaninang madaling araw ng naging ganap na bagyo ang sama ng panahon na unang natukoy sa Silangan Hilagang silangang bahagi ng bansa, at tinawag itong Bagyong Goring.

Maalalang mahigit tatlong linggo lamang ang nakakalipas nang manalasa sa bansa ang Bagyong Falcon, na nagdulot ng malawakang pagbaha, kasama na ang Habagat.

Ilang araw bago ang Bagyong Falcon, unang nanalasa sa Northern Luzon ang Super Typhoon Egay, na sumira ng bilyon-bilyong halaga ng mga ari-arian at nag-iwan ng hanggang 30 patay.