-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Energy (DOE) na umaabot na sa 64 araw ang suplay ng langis ng bansa.

Ayon Kay Energy Secretary Sharon Garin, mula sa 50.31 araw na average, nadagdagan ito ng 14 araw dahil sa mga bagong order na siguradong maidedeliver.

Sa tala ng DOE, ang suplay kada produktong petrolyo ay ang sumusunod: gasolina (54.38 araw), diesel (48.9), LPG (36.27), kerosene (104.73), jet fuel (67.65), at fuel oil (45.96).

Gayunman, nilinaw ng kalihim na hindi kayang mag-imbak ng 90 hanggang 120 araw na suplay dahil sa limitadong storage at tuloy-tuloy na konsumo.

Dagdag pa niya, nag-iiba ang katiyakan ng delivery depende sa bansang pinanggagalingan at uri ng kontrata.

Sa kabila nito, tiniyak ng DOE na nananatiling sapat ang suplay, habang patuloy ang pagkuha ng karagdagang langis sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan.