-- Advertisements --
dswd 3

Inanunsyo ng isang matataas na opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na 761,150 na kabahayan ang mananatili sa listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ito’y matapos ang reassessment alinsunod sa direktiba ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian.

Ayon kay DSWD Undersecretary for Innovations Edu Punay, ang mga family-beneficiaries ay patuloy na makakatanggap ng tulong sa pamamagitan ng nasabing programa.

Paliwanag niya, nalaman ng DSWD na nangangailangan pa rin ng tulong ng gobyerno ang mga benepisyaryo dahil sa malaking epekto ng pandemya.

Ang mahigit 760,000 kabahayan ay bahagi ng 1.1 milyong kabahayan na naunang na-assess bilang “non-poor” sa ilalim ng Listahanan 3 o ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR).

Mula sa 1.1 milyong benepisyaryo ng 4Ps, 339,660 kabahayan ang nakatugon sa mga kinakailangan sa pagtatapos o paglabas ng programa pagkatapos ma-rate bilang Level 3 o self-sufficient.

Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay ang national poverty reduction strategy at isang human capital investment program ng gobyerno na nagbibigay ng conditional cash transfer sa mga kwalipikadong household-beneficiaries.