-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi intensyon ni Sec. Erwin Tulfo na paratangan ng masama ang mga guro.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa una nang naging pahayag ng kalihim na posibleng magkaroon ng “favoritism” ang mga guro kung sila ang mamamahala na pamamahagi ng educational assistance ng DSWD.

Bagay na pinalagan naman ng ilang grupo ng mga guro sa ating bansa.

Sa isang pahayag ay sinabi ni DSWD spokesperson Asec. Romel Lopez na kinikilala ni Sec. Tulfo ang mga sakripisyo ng mga guro sa ating bansa.

Paliwanag niya, nais lamang sabihin ng kalihim na ayaw na nitong bigyan pa ng dagdag na trabaho ang mga guro.

Ito ang dahilan kung bakit daw niya nasabing huwag nang isama ang mga ito sa pamamahagi ng educational assistance.

Samantala, sa ngayon ay iniulat na rin ng kagawaran na handa na sila sa muling pamamahagi ng educational assistance bukas sa ikalawang pagkakataon.

Ngunit patuloy pa rin nilang binibigyang-diin na hindi nila pahihintulutan ang mga walk in applicants at tanging mga indbidwal lamang na nakapag-register online na nakatanggap na ng sms confirmation ang kanilang ia-accomodate.