Nakapagbigay na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), local government units, at pribadong sektor ng kabuuang P45.6-million na halaga ng pagkain at non-food items sa mga indibidwal at pamilyang apektado ng oil spill mula sa motor tanker na lumubog sa Oriental Mindoro.
Batay sa ulat ng Disaster Response Operations Monitoring and Information Center ng DSWD, P45,674,782.08 halaga ng tulong ang naibigay na sa mga apektadong pamilya.
Sa halagang ito, P38,120,250 ang nagmula sa DSWD, P1,008,289 mula sa local government units, P675,286 mula sa non-government organizations, at P5,870,957.08 mula sa iba pang partners nito.
Sinabi ng DSWD na naapektuhan ng oil spill ang 34,553 pamilya o 163,498 indibidwal mula sa 151 barangay sa Mimaropa at Western Visayas.
Tiniyak ng ahensya na mayroon itong P671 million na quick response fund (QRF) sa central office nito, at P10 milyon na makukuha sa mga field office nito sa Mimaropa at Western Visayas, na maaaring suportahan ang mga pangangailangan sa tulong ng mga lumikas na pamilya dahil sa epekto ng oil spill.
Mayroon ding P64.7 milyon na magagamit na pondo sa ibang DSWD field offices na maaaring ma-tap sa pamamagitan ng inter-field office augmentation.