-- Advertisements --
DJ WALKER

Nagbigay ng tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development sa naulilang pamilya ng napatay na radio anchor na si Juan Jumalon alyas DJ Johnny Walker sa Misamis Occidental.

Ayon sa inilabas na pahayag, binigyan ng DSWD-Field Office 10 Northern Mindanao ang pamilya ng P20,000 para makatulong sa gastusin sa pagpapalibing ng biktima, habang ang kanyang dalawang anak ay binigyan ng tig-P5,000 para sa kanilang pag-aaral.

Ang pamilya ay isinangguni din sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Departamento para sa pagtatasa ng pagiging karapat-dapat na maging benepisyaryo ng programa.

AYon kay DSWD Asec. Romel Lopez, ang inisyatiba ay binibigyang-diin ang pangako ng DSWD na tulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng mga trahedya.

Gayundin ang pagkilala sa mahalagang papel ng mga media personnel sa lipunan at pagtiyak ng kanilang kapakanan at ng kanilang mga pamilya sa panahon ng ganitong sitwasyon.

Matatandaang si Jumalon ay napatay ng hindi pa nakikilalang gunman sa isang live broadcast sa sarili nitong tahanan sa Calamba, Misamis Occidental.

Naglabas na ang pulisya ng sketch ng umano’y gunman at nag-alok ng P100,000 reward kapalit ng impormasyon ng suspect habang tatlo pang suspek ang sinampahan ng kasong pagpatay kay Jumalon.