Naglabas ng updated na guidelines ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagpapatupad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) na magpapabilis sa pagpapalabas ng tulong sa mga pamilya at indibidwal na nasa mahihirap na sitwasyon na nangangailangan ng agarang suporta.
Ito ay matapos idirekta ni DSWD Secretary Erwin T. Tulfo ang pagpapahusay at pagpapasimple ng guidelines ng mga frontline program ng ahensya, tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Sa ilalim ng Memorandum Circular (MC) No. 15, pinasimple ng DSWD ang implementing procedure, pinasimple ang intake at eligibility forms at documentary requirements at pinahaba ang validity nito, at inayos ang mga rate ng tulong at ang kaukulang mga awtoridad sa pag-apruba sa Central Office at Field and Satellite Offices.
Batay sa binagong guidelines, sinabi ng DSWD na tatlong hakbang na lang ang kailangan ng kliyente para maka-avail ng anumang serbisyo at interbensyon sa ilalim ng AICS program.
Ang mga hakbang na ito ay kinabibilangan ng screening process; interview; at release of assistance.
Sinabi ng DSWD na ang pagpapalabas ng tulong pinansyal na mababa sa P10,000 ay maaaring ibigay sa loob ng isang araw, habang higit sa nasabing halaga ay maaaring ilabas sa loob ng tatlo hanggang limang araw, depende sa karagdagang pag-apruba ng nakatataas na pamunuan.