Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development sa publiko laban sa mga kumakalat na pekeng video online na nag-aalok umano ng educational assistance para sa mga estudyante.
Ang naturang video kasi ay nanghihikayat ng mga mabibiktima nito na mag-avail ng educational assistance sa pamamagitan ng pag-fill out sa isang “Social Amelioration Card” form, atsaka paghihintayin ang biktima ng isang text o call.
Paglilinaw ng DSWD, hinding-hindi manghihingi ng personal information ang ahensya online para sa application ng educational assistance sapagkat ito ay isang uri ng paglabag sa Data Privacy Act.
Bukod dito ay ipinunto rin ng kagawaran ang kanilang Tara, Basa! tutoring program na iniaalok nito kung saan ang mga volunteer na 2nd hanggang 4th year college students ang magtuturo sa mga bata na nahihirapang matutong magsulat at magbasa, at kabilang din sa mga mahihirap na pamilya.
Samantala, dahil dito ay patuloy namang pinapayuhan ng DSWD ang publiko na huwag basta-basta maniniwala sa mga nakikita sa social media at i-verify muna ang kanilang mga online content na hindi nanggaling sa kanilang tanggapan.