Muling binubusisi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nakatakdang grumaduate mula sa programa sa susunod na buwan.
Ginawa ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez ang naturang paglilinaw bilang tugon sa apela ng ilang mga pamilya na nakatakdang mag-exit na manatili sa programa.
Binigyang diin nito na ang graduating families ay isinasailalim sa masusing assessment para ma-evaluate ang kalagayan ng kanilang pamumuhay matapos mabenepisyuhan mula sa cash assistance na ibinigay ng gobyerno sa pamamagitan ng programang 4Ps.
Ang mga natukoy kasi na pamilya na nakaalpas na mula sa kahirapan ay hindi na makakatanggap ng cash grants simula sa Pay period 6 saklaw dito ang buwan ng Disyembre ng nakalipas na taon at Enero ng 2023.
Sa oras na ilabas na ang resulta ng reassessment, ilang household ang pansamantalang hindi makakatanggap ng cash grants.
Nasa tinatayang 700,000 naman ang inaasahang grumaduate mula sa 4Ps matapos na bumuti na ang kanilang pamumuhay.
Tiniyak naman ni Social Welfare Sec. Rex Gatchalian na patuloy pa rin ang suporta para sa graduating 4Ps beneficiaries mula sa lokal na pamahalaan at national government at pribadong sektor.