Nakatakdang magsagawa ng national consultative meeting ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasama ang mga local chief executives sa Nobyembre 8 para palakasin ang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS).
Pangungunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pagpupulong kasama ang nasa 650 local chief executives at mga kinatawan ng iba’t ibang local government units (LGUs) Angeles City, Pampanga.
Ang mga kalahok ay mula sa mga piling LGU na nagpapatupad ng nasabing social services, National Community Driven Development Program-Additional Financing (NCDDP-AF) at ng Philippine Multi-sectoral Nutrition Project (PMNP).
Ayon kay DSWD spokersperson Romel Lopez, ang nasabing pagpupulong ay upang matiyak na ang mga nagpapatupad ng LGU ay nakikibahagi sa mga programa ng DSWD.
Ang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services ay isang poverty alleviation program na ipinatupad ng DSWD gamit ang kanilang community-driven development approach.
Ang gaganaping consultative meeting ay naglalayong magbigay ng lugar para sa isang interactive na pakikipag-ugnayan sa mga nagpapatupad na LGU ng proyekto upang talakayin ang mga milestone, issue at alalahanin, gayundin ang mga susunod na hakbang upang mapabuti ang programa.
Una nang sinabi ni Lopez na makikinabang ang DSWD at LGUs sa karanasan ng mga local chief executive sa pagpapalakas at pagpapahusay ng kanilang mga proyekto sa komunidad sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga sub-projects sa ilalim ng nasabing social service.