Pormal nang nilagdaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isang memorandum of agreement hinggil sa pamamahagi ng educational assistance sa mga “students in crisis” sa ating bansa.
Kasunod ito ng naganap na kaguluhan sa mga DSWD offices noong nakaraang linggo matapos na dumagsa ang marami sa ating mga kababayan na nagnanais na mapabilang sa mga makatatanggap ng nasabing ayuda.
Ayon kay DSWD Sec. Erwin Tulfo, ang pangyayaring iyon ay isang malinaw na mensaheng nangngahulugan na maraming mga Pilipino ang nangangailangan ng tulong ng pamahalaan lalo na sa panahon ngayon.
Bagay na sinang-ayunan din si DILG Sec. Benhur Abalos kasabay ng pangakong tutulong ang kanilang kagawaran sa pamamahagi ng educational assistance sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng additional manpower tulad ng mga social workers, pulis at mga barangay tanod.
Dito ay binigyang-diin din ni Tulfo na hindi na papayagan pa ang mga walk-in applicants na makatanggap ng ayuda dahil magiging online at via sms o text message na lamang isasagawa ang registration ng mag benepisyaryo atsaka aabisuhan ang mga ito kung kailan at saan nila maaaring i-claim ang kanilang ayuda.
Kinakailangan lang magdala ng certificate of enrollment, at valid school ID ang mga ito bilang requirements para sa pagtanggap ng nasabing educational assistance.
Magugunita na naglaan ng nasa Php1.5-Bilyon na budget ang DSWD para dito kung saan inaasahan nilang makapagpaabot ng tulong sa nasa 375,000 hanggang 400,000 na mga benepisyaryo ng programa nitong Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).









