-- Advertisements --

Nagbabanta ang tag-init sa sugar production ng bansa na maaaring magresulta sa tuluyang pagbaba ng produksyon sa crop year 2025-2026.

Ayon kay United Sugar Producers’ Federation of the Philippines (UNIFED) President Manuel Lamata, labis na naapektuhan ng mainit na panahon ang mga sugarcane plantation sa Negros Occidental, ang probinsiyang nagsusuply ng halos 60% ng kabuuang sugar production sa Pilipinas.

Dahil dito, umaapela ang UNIFED sa PH government na gumawa na ng agarang tugon upang mapagaan ang epekto ng tagtuyot sa mga pananim na tubo.

Kabilang sa mga hinihiling ng grupo ay ang regular na pagsasagawa ng cloud seeding para sa posibleng pag-ulan.

Sa ilalim ng kasalukuyang crop year 2025-2026, bahagyang bumababa na aniya ang sugar production ng bansa at kung magtutuloy-tuloy pa ang tagtuyot ay tiyak na lalo pang bababa ang produksyon.

Batay sa datus ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang domestic sugar output ng bansa hanggang nitong March 22 ay umabot sa 1.35 million metric tons (MT).

Ito ay mas mababa ng 4% kumpara sa 1.41 million MT sa kaparehong taon noong crop year 2024 to 2025.

Ayon kay Lamata, ang kakulangan ng ulan ay kadalasang nagdudulot ng mas mababang sugar content sa mga pananim na tubo na nagreresulta sa mas mababang produksyon ng asukal sa kabuuan. (report by Bombo Jai)