-- Advertisements --

Inirekominda ni House Committee on Transportation chairman Edgar Sarmiento na magsagawa ng limang araw na dry-run ng mga pampublikong sasakyan sa mga lugar na sakop ng enhanced community quarantine (ECQ).

Ito ay para mapaghandaan na rin aniya ang resumption ng public transportation sa oras na matapos na ang ECQ sa darating na Mayo 15.

Hinimok ni Sarmiento ang Department of Transportation (DOTr) na tiyakin na handa at well-equipped sa pagpapatupad ng guidelines na inilatag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) sa resumption ng public transportation.

Sa isasagawang dry-run, karamihan sa mga IATF-sanctioned public transportation ay magsasakay lamang ng mga essential personnel at frontliners dahil umiiral pa rin ang ECQ.

Bukod dito, matutukoy din ng mga awtoridad kung lahat ng mga sasakyan, tren, aircrafts at vessels ay nasa maayos na kondisyon sa oras na makapag-operate na ulit kung isasailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang mga lugar na kasalukuyang napapabilang pa sa enhanced community quarantine.

“We should do the dry run when the volume of passengers is still manageable and make all the necessary adjustments before we transition to GCQ. By then, I would expect the DoTr to have already adopted the best practices that runs along with the guidelines set by the IATF,” ani Sarmiento.

“Mahirap yung basta na lamang bubulaga sa atin ang mga problema dahil hindi na naman natin napag-aralan ng maayos kung paano natin ayusin ang sistema. Bago mag-GCQ, mas maigi kung wala na tayong mga lalabas na problema o kung meron man ay hindi na makakapagpalala sa ating problema tungkol sa dumaraming kaso ng COVID-19,” dagdag pa nito.

Iginiit ng koongresista na dapat magkaroon ng evaluation bago mag-GCQ hanggang sa maliliit na detalye tulad nang pagbabayad ng buwis, pila ng mga pasahero, crowd management, at maging seating arrangement at proper outfit ng mga sasakay sa pampublikong sasakyan.