Naglabas ng kaniyang sama ng loob si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Oscar Albayalde hinggil sa mga nangyayari sa imbestigasyon sa Senado na may kaugnayan sa ninja cops.

Ito’y sa pamamagitan ng biglaang pagpupulong sa PNP Press Corps na pinatawag ni PNP spokesperson Pol. B/Gen Bernard Banac kaninang umaga sa PNP Press Office.

Hindi naman inaasahan ng mga mamayahag ang pagdating ng PNP chief matapos na unang ianunsyo ni Banac na kanselado ang pagdalo nito sa isang programa ng PNP-Anti-Kidnapping Group dahil kailangang niyang magpahinga.

Kaugnay nito, walang pinahintulutang mga litrato o recording ng naturang pagpupulong kung saan nakipag-usap lang ng masinsinan ang PNP chief sa mga mamahayag.

Hindi naiwasan ni Albayalde na maging emosyonal nang kanyang ibuhos ang kanyang sama ng loob ng sa lahat ng mga ipinaparatang laban sa kanya.

Sa pagtatapos ay hindi na nagpaunlak ng interview si Albayalde at sinabing nais lang niyang makasama ang mga miyembro ng PNP Press Corps, at sa Lunes na lang ang kanyang press conference.

Ayon kay Albayalde, may gustong iupo bilang susunod na chief ng PNP ang mga naninira sa kaniya at kung sino man ang kaniyang iendorso ay magiging “kiss of death” ito.

Hindi man nito diretsahang tinukoy, ngunit malinaw na mga kaklase niya sa Philippine Mlitary Academy Class 1986 ang kaniyang pinapasaringan.

Aniya, tila nawala na ang brotherhood sa PMA dahil iilan na lamang sa mga classmate niya ang sumama sa kaniya sa pagharap sa Senate hearing.

Hindi umano stress, kundi frustration ang kaniyang nararamdaman sa ngayon dahil sa kabila ng kaniyang ibinuhos na serbisyo ay sisiraan lang daw siya sa dulo bago siya magretiro.

Gayunman, ipinauubaya na niya ang lahat kay Pangulong Rodrigo Duterte kaya hihintayin ang kaniyang mga pahayag sa pagbabalik nito sa bansa mula sa pagbisita sa Russia.