Mariing kinondena ng Sultanate of Oman ang karumal-dumal na drone attack sa Port of Salalah noong Sabado, Marso 28, 2026, na ikinasugat ng isang manggagawa at nagdulot ng pinsala sa isang crane. Dalawang drone ang tumarget sa port, ngunit hanggang ngayon ay wala pang grupong umaako sa insidente.
Bilang tugon, pansamantalang itinigil ng Danish shipping giant Maersk ang kanilang operasyon sa Port of Salalah upang masiguro ang kaligtasan ng mga tauhan at kargamento. Kilala ang naturang daungan bilang isa sa pinakamalaking transshipment hubs sa rehiyon, kaya’t nagdulot ng pangamba ang insidente sa global shipping industry.
Sa panayam ng Star FM Bacolod, ibinahagi ni Mary Jane Damacio, isang overseas Filipino worker sa Oman, na nagpapasalamat siya sa kanilang kaligtasan dahil malayo ang kanilang tirahan sa apektadong lugar. Aniya, ramdam pa rin ang takot ng mga tao sa bansa.
Patuloy ang imbestigasyon ng pamahalaan ng Oman upang matukoy ang pinagmulan ng drone attack, habang pinaiigting ang seguridad sa mga pangunahing daungan at kritikal na pasilidad upang maiwasan ang karagdagang insidente.















