-- Advertisements --

Isinusulong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtatatag ng Driver’s Academy bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng mga insidente ng aksidente sa kalsada, na labis na ikinababahala ng ahensya.

Ayon sa LTFRB, isa sa mga pangunahing sanhi ng mga aksidenteng ito ay ang hindi maayos na asal sa pagmamaneho, kakulangan ng pormal na pagsasanay, at mga butas sa kasalukuyang regulasyon, ayon na rin sa pagsusuri ng mga transportation experts at safety advocates.

Kabilang din sa mga dahilan ang kakulangan ng sapat na kaalaman at pagsasanay ng mga driver ng pampublikong transportasyon, na madalas ay hindi dumaraan sa wastong training bago magsimulang magmaneho.

Layunin ng pagbuo ng National Driver’s Academy na mabigyan ng regular at sistematikong edukasyon ang mga driver ng public utility vehicles (PUV). Ilan sa mga pangunahing ituturo rito ay ang defensive driving, mga dapat sundin sa trapiko, kaligtasan ng pasahero, tamang pamamahala sa pagod at stress, at pangangalaga sa sasakyan.

Kaugnay pa nito, isasama rin sa programa ang behavioral assessments at paggamit ng digital attendance tracking upang masiguro ang pananagutan ng mga kalahok.