-- Advertisements --

Isinusulong ngayon sa Kamara ang isang resolusyon na humihimok sa pamahalaan na payagan ang drive-in COVID-19 vaccination sa layunin na makamit kaagad ang inaasahang herd immunity ng bansa.

Inihain ni Quezon City Representative Precious Hipolito Castelo kamakailan ang kanyang House Resolution No. 1733 dahil naniniwala siya na ang paggamit sa mga paaralan bilang vaccination centers ay hindi sapat upang sa gayon ay mapabilis ang mass immunization laban sa COVID-19.

Iginiit ni Castelo na kailangan ang drive-thru vaccination dahil karamihan sa mga Pilipino ay wala namang access sa internet o computers para makapagpa-schedule ng kanilang pagpapabakuna online.

Kasabay nito ay pinatitiyak ng kongresista sa pamahalaan ang kahandaan nito sa pagkakaroon ng isang sistema sa pagtuturok ng mga bakuna, lalo pa at sa mga susunod na buwan ay inaasahan ang pagdating ng maraming supply ng COVID-19 vaccine.

Nauna nang sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na sa Agosto nila inaasahang magsisimula ang pagbakuna sa publiko.