-- Advertisements --

Isinusulong ni Senate Minority leader Franklin Drilon ang balasahan ng mga posisyon sa loob ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa overpriced umanong testing packages para sa COVID-19.

Sa isang panayam sinabi ni Drilon na posibleng may mga grupo sa loob ng ahensya ang nanamantala para taasan ang halaga ng package para sa test kits.

Ang pahayag na ito ng senador ay bunsod nang P8,150 testing package na sagot ng PhilHealth. Labis daw kasi itong mahal kumpara sa testing ng pribadong sektor.

Dapat daw kasuhan agad sangkot sa posibleng iregularidad, sakaling mapapatunayang ang mga kini-kwestyon sa PhilHealth.

Ayon kay Drilon, maaaring maliit na ebidensya pa lang ang increase sa testing package kaya dapat nang ma-reorganize ang ahensya habang iniimbestigahan.

Una nang nangako si PhilHealth president Ricardo Morales na babaguhin nila ang benefit package para sa COVID-19 ngayong linggo.

Ang nasabing presyo kasi ng package para sa testing ay para sa test kits na binili noong Marso, kung saan limitado pa ang supply.