Ibinunyag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na ang nakitang dragon tattoo sa natagpuang bangkay ng banyaga na pinugutan ng ulo at walang kasuotan sa Carmona, Cavite ay simbolo umano na ginagamit ng sindikato sa China.
Ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, ito ay base sa na rin sa pagsasalarawan ng kanilang foreign counterparts.
Sinabi din ng opisyal na noong pinuntahan nila mismo ang lugar kung saan natagpuan ang bangkay, nang kaniyang kilatisin ang tattoo hindi aniya ito gawa sa Pilipinas.
Una rito, natagpuan ang naturang labi sa tabi ng diversion road sa barangay Lantic nitong weekend.
Nadiskubre na mayroong dragon tattoo sa kaniyang dibdib at mayroon ding mga galos at pasa sa katawan. Ayon sa mga awtoridad posibleng iniwan lamang ang katawan sa naturang lugar at ginawa ng krimen sa ibang lugar.
Ayon pa sa PAOCC official, kumuha na ang mga awtoridad ng DNA samples mula sa natagpuang bangkay para sa posibeng pagtukoy sa pagkakakilanlan nito.
Samantala, batay sa data mula sa PAOCC at Philippine National Police, lumalabas na aabot na sa 66 na bangkay ng mga mukhang banyaga ang natagpuan sa Central Luzon at Southern Tagalog regions mula Enero hanggang Nobiyembre ng nakalipas na taon. (With reports from Bombo Everly Rico)