Himas-rehas na naman muli ang drag artist na si Amadeus Fernando Pagente o mas kilala sa kaniyang drag name na Pura Luka Vega.
Ito ay sa bisa ng inilabas na warrant of arrest ng Quezon City Court para sa tatlong counts ng umano’y paglabag sa article 201 ng revised penal code, na kinabibilangan ng immoral doctrines, obscene publications, and exhibitions, at indecent shows.
Ang naturang kaso ay kaugnay pa rin sa isa sa mga kontrobersyal na performance ni Pura Luka Vega na “Ama Namin” habang nakabihis ito ng kahalintulad ng kay Cristo.
Samantala, sa ulat sinasabing naaresto ang nasabing drag artist bandang alas-4:30 ng hapon sa bahagi ng DOH Rizal Avenue Cor., San Lazaro Street, Sta. Cruz, Manila, at nirekomendahan ng piyansang aabot sa P360,000 na halaga.
Sa ngayon ay nananatili siya sa custodial facility ng MPD Sta. Cruz police station.
Matatandaang unang inaresto si Pura Luka Vega noong Oktubre 2023 kasunod ng kaniyang hindi pagsipot sa preliminary investigation ng kaniyang kinakaharap na criminal case sa korte. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)