Pinabulaanan ni Dr. Tony Leachon, dating special adviser ng National Task Force on COVID-19, ang mga naglabasang ulat na gusto raw nitong palitan sa posisyon si Health Secretary Francisco Duque III.
Ito’y matapos ang naging hamon ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo kay Leachon na tumakbo sa posisyon at tingnan kung iboboto siya ng taumbayan.
Nagpasaring pa si Panelo na gusto raw kunin ni Leachon ang posisyon ni Duque bilang pinuno ng Department of Health (DOH).
Sa isang pahayag, sinabi ni Leachon na imposibleng hindi makatanggap ng kritisismo mula sa publiko ang pandemic response ng bansa, hindi aniya ito maituturing bilang pagiging makabayan ngunit isang pagtataksil.
Ang pag-atake raw sa kaniya ni Panelo ay malinaw na pruweba umano sa pagtatangka nito na ibaling sa ibang direksyon ang atensyon ng mga tao mula sa tunay na isyu.
Matapos ang kaniyang retirement mula sa corporate world noong 2012 ay nag-volunteer si Leachon bilang one-peso consultant ng Department of Health kay Sec. Enrique Ona at nagtrabaho bilang landmark sin tax law ng tobacco at alcohol habang nagpa-practie ito bilang internist cardiologist.
Paglalahad pa ni Leachon na noong 2016 ay maraming lumapit sa kaniya upang mag-appklt bilang DOH Secretary sa ilalim ng bagong administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil dito ay ipinadala umano ni Leachon ang kaniyang curriculum vitae sa asawa ni Panelo na si Dra. Araceli Panelo na dati na niyang nakasawa sa Philippine College of Physicians.
Umasa raw ito na makakatulong siya sa healthcare system ng bansa ngunit si Sec. Paulyn Ubial ang napili ng Presidente.
Subalit hinarang ito ng Commission on Appointments at pinalitan si Ubial ni Duque.
Hirit pa ni Leachon na hindi siya naiinggit sa posisyon ni Duque dahil dalawang beses na itong sinabihan ng Senado na magbitiw sa pwesto bunsod na rin ng umano’y palpak na pangangasiwa nito sa coronavirus pandemic sa bansa.