Target ngayon ng Department of Transportation na makapagdeliver ng hanggang isang milyong plastic driver’s license card sa loob ng susunod na 60 araw.
Ito ang inihayag ng kagawaran sa gitna ng issue ng halos 700,000 backlogs nito sa paglalabas ng mga plastic driver’s license card sa bansa nitong nakalipas na mga buwan.
Sa isang pahayag ay sinabi ng DOTr na ito ay kasunod ng kanilang nilagdaang kontrata kasama ang nanalong bidder na Banner Plastic Cards Inc. nang may Notice to Proceed para sa 5.2 million driver’s license plastic cards.
Ayon ay Transportation Undersecretary for Administration and Finance Kim Robert De Leon, dahil dito ay inaasahan ngayon ng ahensya na mas mabilis nang matutugunan ang problema nito sa mga backlogs license cards kasabay ng layuning maibalik na muli sa normal ang supply ng mga ito.m
Kahapon, Hunyo 26 ay isinagawa ang unang delivery ng Banner Plastic Cards Inc. bilang bahagi ng kanilang nilagdaang terms of reference kasabay ng patuloy nitong pakikipag-ugnayan sa nanalong bidder para mai-deliver sa lalong madaling panahon.
Kung maaalala, una nang sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na noong nakaraang buwan ay tinatayang mayroong 690,000 na mga backlog ng driver’s license, dahil mayroon lamang aniyang 70,000 cards na available sa buong bansa.
Matatandaang dahil dito ay pinalawig ng LTO ang validity ng driver’s license na mapapaso simula April 24 hanggang October 31, dahil sa kakulangan ng supply ng plastic cards.