MANILA – Umapela ang Department of Transportation sa mga driver at operator ng public transportation na maging disiplinado sa pagpapatupad ng disinfection sa mga sasakyan.
Apela ito ng DOTr matapos makuhanan sa isang viral video ang dalawang staff ng MRT-3 na tila hindi sineryoso ang disinfection sa isang bahagi ng linya ng tren
“Huwag natin gawing bara-bara ang paglinis at pag-disinfect… dahil ang pag-disinfect ng tama ay makakatulong ng malaki upang mabigyan ng additional layer of protection sa publiko,” ani Transportation Asec. Mark Pastor.
Ayon sa opisyal, bukod sa paghahatid sa destinasyon, responsibilidad din ng mga driver at operator ang kaligtasan ng mga pasahero mula sa COVID-19.
Katunayan, nagkaroon daw ng pag-uusap sa pagitan ng Transportation department at sektor ng public transportation kaugnay ng pagtitiyak na ligtas ang mga sasakyan.
“Ito ay concern natin ngayon. We will rely to the good and service of our operators kung saan doon tayo nagbibigay ng marshals upang ma-check kung nai-implement itong protocols.”
“Ang LTFRB, DOTr, IATF (kasama ang DOH) ay patuloy na nagpapaaalaa sa mga driver at operator na palaging mag-disinfect ng mga sasakyan… Hindi lahat ng mga sulok ay nababantayan yang mga yan. So responsibilidad nila yon,” ayon kay Transportation spokesperson Asec. Goddes Hope Libiran.
Binigyang diin din ng mga opisyal, lalo na sa mga jeepney, na tiyaking may physical barriers sa pagitan ng mga pasahero at regular na nalilinisan ang mga ito.
Pinatawan na ng “disciplinary action” ng Transportation department ang MRT-3 personnel na nakuhanan sa viral video.
Sa ngayon higit 80% na raw ng mga ruta sa National Capital Region ang binuksan ng LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) para sa mga pampublikong sasakyan.
Nag-uusap pa raw ang ahensya para sa natitirang 20% ng mga ruta, dahil pinayuhan sila ng health experts na dapat maikli lang ang biyahe ng mga pasahero para maiwasan ang banta ng matagal na exposure at banta ng posibleng pagkahawa sa sakit.