Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga EDSA Busway operator at AF Payments Inc. na gumawa ng maayos na refund system para sa mga overcharged Beep cards.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, kailangang pag-usapan ng service provider at bus operator ang proseso kung paano mapapabilis ang refund ng sobrang presyo ng Beep cards sa mga mananakay.
Bumuhos kasi ang reklamo mula sa mga commuters na masyadong malaki ang siningil sa kanila kumpara sa regular nilang pamasahe.
Sa oras aniya na hindi maayos ng dalawang kampo ang gusot ay saka lamang maaaring makialam ang gobyerno sa naturang usapon.
“Ang kontrata, pirmado ‘yan ng service provider tsaka bus operator. Kung kailangan mag-intervene ng gobyerno para ng sa ganon ang proseso maging judicious, equity and fair, papasok ‘yung gobyerno,” saad ni Tugade.
Kung maaalala, sinuspinde ng DOTr ang mandatory na paggamit ng Beep cards sa EDSA Busway noong Oktubre 5 dahil karamihan ng mga pasahero ang nagulat sa presyo ng mga Beep cards.