Pinag-aaralan na ng Department of Transportation (DOTr) katuwang ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, ang posibilidad na magkaroon ng motorcycle lane bilang isa pang hakbang para malutas ang problema sa trapiko sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime J. Bautista, batay sa isang pag-aaral, nasa 170,000 motorsiklo ang gumagamit ng EDSA araw-araw.
Mayroon na aniyang inisyal na talakayan ang DOTr at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagkakaroon ng dedicated lane para sa mga motorsiklo sa kahabaan ng major thoroughfare.
Sa pamamagitan ng motorcyle lane sa EDSA, layunin din ng gobyerno na tugunan ang economic cost ng traffic, ayon pa sa transport chief.
Binanggit din ni Bautista ang pag-aaral noong 2012 ng Japan International Cooperation Agency (JICA), na nagsasaad na ang economic cost ng traffic ay P2.4 bilyon kada araw sa Metro Manila.
Noong 2017, ang economic cost ay umabot sa P3.5 bilyon sa isang araw, habang ang pinakahuling pag-aaral noong 2022 ay nagpapahiwatig na ang economic losses dahil sa traffic ay P4.9 bilyon sa isang araw. Inaasahan ng JICA na lolobo pa ito sa P9 billion sa isang a raw sa taong 2030.
Ang Economic cost (of traffic), ay ang additional fuel, additional cost, nawawalang opportunity for growth, at lost time sa pamilya, ayon kay Sec. Bautista.