Paiigtingin pa ng Department of Transportation (DOTr) ang mga hakbang sa seguridad kasunod ng nakamamatay at walang habas na pamamaril sa dalawang pasahero sa loob ng bus patungong Maynila sa Nueva Ecija noong Miyerkules.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr na inirekomenda ang agarang security audit kay Transportation Secretary Jaime Bautista upang matiyak ang kaligtasan ng mga commuter sa darating na Christmas holiday rush.
Bahagi ng mga hakbang sa seguridad ang pag-install ng mga surveillance camera sa loob ng mga terminal at maging sa mga bus upang subaybayan ang paggalaw ng mga pasahero.
Plano rin ng ahensya na i-require ang paggamit ng GPS at alarm o emergency connectivity ng mga bus patungo sa mga terminal at bus companies para sa mabilis na pagtugon, at upang maiwasan ang mga katulad na insidente.
Dagdag pa ng ahensya, ang mga panukalang hakbang ay maaaring e-require sa panahon ng pag-renew ng mga prangkisa ng bus companies.