Binigyang diin ng Department of Transportation na wala itong pinaboran na anumang kumpanya sa nangyaring procurement process o pagbili ng mga plastic cards para sa driver’s license.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Administration and Finance Kim De Leon, nasunod ang lahat ng hakbang at alintuntunin sa ilalim ng Procurement Law sa ginawang pagbili ng mga plastic cards.
Wala aniyang pinaboran ang ahensiya, dahil sa sumunod lamang ito sa nilalaman ng batas, at ang kumpanyang napili ang nakitang may pinakamagandang procurement offer.
Paglilinaw ng opisyal na hindi lamang financial bid ang pinag-aaralan dito ng DOTR kungdi tinutukoy din nila ang kakayahan ng magiging supplier kung maibibigay ba nito ang pangangailangan ng ahensiya.
Una rito, ini-award ng DOTR ang kontrata para sa pagsusuply ng plastic cards na magagamit sa paggawa ng mga driver’s license, sa Banner Plastic Cards.
Nakatakda namang ideliver sa ilalim nito ang isang milyong plastic cards sa loob ng 60 days o hanggang sa Agusto-26 ng kasalukuyang taon.
Ginawa ng ahensiya ang paglilinaw bilang kasagutan sa isyu na umanoy pinaboran ng nito ang isang kumpanya, sa nangyaring bidding.