Pinag-aaralan ng Department of Transportation (DOTr) na ipagpatuloy ang dating mga railway projects na suportado ng China.
Ito ay sa pamamagitan ng official development assistance (ODA) mula sa South Korea, Japan, India.
Gayundin sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga pribadong sektor.
Sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na ang mga kasunduan sa pagpopondo para sa tatlong proyektong suportado ng China ay hindi natapos sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Aniya, ang mga proyektong kabilang dito ay ang Mindanao Railway Project (MRP), ang Philippine National Railways (PNR) South Long Haul, at ang Subic-Clark Railway.
Bukod sa mga official development assistance, pinag-aaralan din ang mga kasosyo mula sa pribadong sektor at maaaring magsilbi bilang mga kontratista na katulad ng kasalukuyang North-South Commuter Railway (NSCR) at Metro Manila Subway.
Sinabi ni Bautisa na ang mga proyektong ito ay maaari ding pondohan ng gobyerno sa pamamagitan ng General Appropriations Act (GAA).
Una rito, inihayag ni Bautista na binawi na ng bansa ang plano nitong humingi ng official development assistance loan mula sa China.