Pinamamadali na ng Department of Transportation ang big ticket projects na magpapaganda raw ng sitwasyon ng transportasyon sa bansa.
Ilan sa pinamamadaling proyekto ay ang LRT-1 Cavite Extension, North South Commuter Railway (NSCR), Metro Manila Subway, at MRT line 7 project.
Kasabay nito, iginiit ng ahensya na prayoridad nila ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), at ang konsepto ng EDSA Busway.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Baustista, inaapura na niya ang mga naturang proyekto para magpapagaan ang sitwasyon ng trapiko at sitwasyon ng mga pampublikong mananakay sa bansa.
Una na rito matatandaan na hinimok ng Department of Transportation (DOTr) ang mga matataas na opisyal ng European Union-Association of Southeast Asian Nations (EU-Asean) Council at European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) na mamuhunan sa mga big-ticket infrastructure transport projects.
Kabilang sa mga proyektong ito ang iminungkahing privatization ng operasyon at pamamahala ng pangunahing international gateway ng bansa, ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at ang pamumuhunan sa New Manila International Airport, ayon kay Bautista.