Humihiling ngayon ang Department of Transportation (DOTr) ng karagdagang P5 bilyong pondo upang palawigin hanggang buwan ng Hulyo ang ipatutupad na service contracting program na magbibigay ng dagdag na fare discount sa mga pasahero sa gitna ng umiiral na national energy emergency.
Ayon kay DOTr Secretary Giovanni Lopez, magsisimula sa Abril 15, 2026 ang inisyal na dalawang linggong programa gamit ang nakalaang P1 bilyon mula sa pondo ng ahensya. Hahatiin ito sa P800 milyon para sa road transport at P200 milyon para sa maritime transport.
Tinatayang aabot sa 15 milyong pasahero ang makikinabang sa programa, kung saan bibigyan sila ng karagdagang 20% na fare discount, bukod pa sa umiiral na diskwento para sa mga estudyante, senior citizens, at PWDs.
Sa ilalim nito, babayaran ng gobyerno ang mga tsuper at operators.
Makatatanggap ng P100 kada kilometro ang mga bus; P40 para sa modern jeepneys; at P30 para sa traditional jeepneys na babagtas sa 823 na ruta.
Upang mapabilis ang proseso ng bayad, mahigpit na hinihikayat ng DOTr ang paggamit ng global positioning system o GPS.
Dahil dalawang linggo lamang ang sakop ng unang pondo, iginiit ng kalihim na kinakailangan ang P5 bilyong karagdagan para maitawid ang programa sa susunod na mga buwan.
















