Dinepensahan ng Department of Transportation (DOTr) ang iminungkahing budget nito para sa Fiscal Year 2024 na nagkakahalaga ng P214.296 billion.
Sinabi ni Secretary Jaime J. Bautista na bulto ng 2024 appropriations ng ahensya ay ilalaan para sa big-ticket infrastructure projects, kabilang ang North-South Commuter Railway (NSCR), Metro Manila Subway Project, LRT Line 1 Cavite Extension Project, Fuel Subsidy Program, Active Transport Program, at Maritime Safety Enhancement Project, bukod sa iba pa.
Dagdag pa ni Bautista, uunahin din ng DOTr ang mga proyekto sa sektor ng aviation, kabilang ang modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Aniya, bahagi ng layunin ng proyekto ay pataasin ang kapasidad ng paliparan mula 35 milyong pasahero kada taon (MPPA) hanggang 62 M katao.
Gayundin na pagbutihin ang karanasan ng mga pasahero sa loob ng paliparan.
Binigyang-diin din ng opisyal ang iba pang mga proyekto kabilang ang patuloy na paggawa at paghahatid ng mga plaka ng sasakyan at motorsiklo at mga license card, gayundin ang patuloy na pagsisikap para sa Modernization Program ng mga pampublikong sasakyan.