LEGAZPI CITY – Nagbigay na ng reaksyon ang Department of Tourism patungkol sa kanilang promotion video na inirereklamo matapos na hindi makasama ang nag-aalburutong Bulkang Mayon.
Una rito nagpalabas ng mensahe si Albay 2nd District Representative Joey Salceda na diretsyahang kwenistiyon si DOT Secretary Christina Garcia Frasco kung bakit hindi kasama ang bulkan sa mga atraksyon na ibinida sa kanilang video.
Malaking kawalan umano ito para sa lalawigan ng Albay lalo pa at malaking tulong sana ang video upang mas madami pang turista ang maengganyong bumisita sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DOT Bicol Director Herbie Aguas, inihayag nito na nakarating na sa kanila ang reklamo ng kongresista at ipinaabot na ito sa mismong DOT Secretary.
Naiintindihan umano nila ang pagkadismaya ng opisyal lalo pa’t kilala itong aktibo sa pagpapakilala ng lalawigan at nakatutok sa pagpapalakas ng turismo.
Upang maiwasan ang kaparehong reklamo, nangako ang DOT na mas pag-iigihan pa ang paggawa ng promotion video at pag-aaralan itong mabuti upang walang atraksyon ang makakaligtaan.
Posibleng rin umano na isama na lang sa susunod pang ipapalabas na mga official promotion video ang Bulkang Mayon na patuloy pang nag-aalburuto at nakataas sa alert level 3 sa ngayon.