Ipinagtanggol ni Department of Tourism (DoT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang tourism sector matapos na isisi sa kanila ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ng kalihim na agad niyang tinatawagan ang mga local government unit (LGU) kapag may naiulat na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Dagdag pa nito, hindi ang mga turista na nagtutungo sa mga lugar ang sanhi ng pagtaas ng COVID-19 at sa halip ay ‘yaong mga residente ng lugar.
Iginiit nito na naging mahigpit ang pakikipag-ugnayan niya sa mga LGU at mga private sector kaya natitiyak niya na walang outbreak dahil sa tourism.
Ipinapaubaya na rin nito sa mga local government units na maghigpit pa sa mga turista na nagtutungo sa kanilang lugar lalo na ang ulat na mayroong namemeke umano ng resulta ng kanilang RT-PCR test.