Nilinaw ng Department of Science and Technology (DOST) na walang gagastusin ang pamahalaan sa mga nakatakdang clinical trials ng COVID-19 vaccines dito sa Pilipinas.
Sa isang panayam sinabi ni DOST Sec. Fortunato dela Peña na ang mga kompanyang lalapit sa bansa para makapagsagawa ng trials ang gagastos para sa kanilang eksperimento.
“Itong mga independent trials na ito ay hindi tayo gagasta. Ang gagastusan lang natin ay yung gagawin trials para sa WHO (World Health Organization) sa Solidarity Trials,” ani Dela Peña sa DZBB interview.
May tatlong kompanya na raw na nasa ikatlong phase na ng kanilang clinical trial ang nakipag-kasundo sa gobyerno kaugnay ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Kabilang dito ang Sinovac, na nasa ikalawang antas na ng aplikasyon sa clinical trials; Gamaleya Research Institute, na hinihingan pa ng karagdagang mga dokumento; at Sinopharm, na atras-abante pa kung magsasagawa ng trials o magsu-supply.
Bukod sa mga nabanggit na kompanya, may limang vaccine developers pa umanong nagpasa ng confidentiality data agreement na kapwa nasa Phase 1 at 2, at pre-clinical stage pa lang ng trials.
Mayroon ding 11 iba pa nagpahayag na ng interes na makapagsagawa ng clinical trials ng kanilang bakuna sa Pilipinas.
“Kahit ano pa ‘yun, dadaan sila sa proseso. I-eexamine ng vaccine expert panel ang kanilang datos for Phase 1 and 2, kailangan ma-issuehan ng clearance ng ethics research board bago ipasa sa FDA.”
Ayon kay Dela Peña, posibleng sa ikalawang quarter pa talaga ng 2021 maasahan ang pagdating ng COVID-19 vaccine ng Pilipinas.