Ibinunyag ng Department of Science and Technology na hindi rin ito nakunsulta bago ang pagsisimula ng Manila Bay reclamation project.
Ayon kay Sec. Renato Solidum, maraming mga eksperto ang kagawaran ngunit wala silang natanggap na katanungan o konsultasyon bago simulan ang nasabing proyekto.
Bagaman sinabi ng kalihim na may sapat na eksperto ang Department of Environment and Natural Resources, nakahanda naman umano ang mga eksperto ng DOST na maglaan ng kanilang teknikal na tulong sa isasagawang reklamasyon.
Maaari aniyang magbigay ang mga eksperto ng kagawaran ng kanilang opinyon sa epekto ng ginagawang pagtatambak sa karagatan, kasama na ang magiging epekto nito sa mga susunod pang taon.
Maging ang pagtatayo ng mga istraktura sa ginawang artipisyal na isla aniya ay maaari ring magbigay ang ahensiya ng kanilang opinyon.
Matatandaang naging kontrobersyal ang nasabing reclamation matapos maungkat sa pagdinig ng Senado na ang kumpanyang nagsasagawa ng reclamation ay ang kaparehong kumpanya na gumawa ng mga artipisyal na isla sa West Phil Sea.
Maliban dito, itinuturo rin ng ilang mga mambabatas ang ilang mga reclamation activities, kasama na ang Manila Bay reclamation sa mga pagbaha sa malaking bahagi ng Metro Manila at buong Luzon.