-- Advertisements --
DELA PENA 11062020

Nakatakda na rin daw magsimula ang clinical trials ng halamang gamot na tawa-tawa bilang posibleng treatment sa COVID-19.

Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Sec. Fortunato dela Peña, inaprubahan na ng ethics board ang trials ng tawa-tawa, na matagal ng kilalang alternatibong gamot sa sakit na dengue.

“Last October 31 they were given the approval of ethics board. This is a joint by DOH (Department of Health) and yung isang ethics board pa,” ani Dela Peña sa isang media forum.

Isasagawa ang clinical trial ng tawa-tawa sa Philippine General Hospital (PGH), Quezon Institute at Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Bacolod City.

Kinumpirma rin ni Dela Peña na tapos na ang isinagawang clinical trials ng virgin coconut oil (VCO) sa mga suspect at probable cases sa Sta. Rosa Community Hospital sa Laguna, at posibleng maglabas na ng resulta sa susunod na linggo.

“Each of them were given meals by FNRI (Food and Nutrition Research Institute) na syempre nutritious meals for 28 days. And they were subjected to tests to determine certain indicators in their body during day zero, before the start of the trial. On day 14 and day 28.”

“Fortunately ngayon lahat ng 57 na yon ay nakauwi na. Ibig sabihin bumuti na sila but we want to find out kung mas mabilis bang bumuti yung mga pina-consume ng VCO.”

Ang nagiging hamon lang daw ngayon sa clinical trials ng VCO ayon kay Sec. Dela Pena, ay ang umonting admission ng COVID-19 patients moderate at severe cases para sa hiwalay na trials sa PGH.

Samantala, ongoing na rin ang clinical trial sa isa pang halamang gamot na lagundi na isinasagawa sa Quezon Institute at PNP quarantine center.

“To see also the consumption of lagundi will lower their (patients) probability to progress into moderate and severe.”

As of October 30, mayroon nang 75 participants na naging qualified sa lagundi trials. Ang 59 sa mga ito ay tapos na raw tumanggap ng pinag-aralang gamot. Target ng DOST na makalikom ng halos 200 participants para sa nasabing clinical trial.