-- Advertisements --

MANILA – Nilinaw ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) na boluntaryo ang pagsali sa gagawing clinical trial ng bansa sa ivermectin.

Ngayong buwan o sa unang linggo ng Hunyo kasi inaasahang magsisimula ang pag-aaral para malaman ang bisa ng gamot sa COVID-19.

“Importante dito ay mapaliwanagan lahat ng gustong sumali sa mga quarantine facility at mabigyan ng informed consent dahil boluntaryo ito, hindi pwersahan,” ani Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng DOST-PCHRD.

Isasagawa ang clinical trial sa mga mild to moderate, at asymptomatic cases ng ilang quarantine facilities ng Philippine Red Cross.

Ayon kay Montoya, aabutin lang ng anim na buwan ang clinical trial sa ivermectin. Pero naka-depende raw ito sa bilis ng magiging recruitment ng “sample size.”

Una nang sinabi ng ahensya na tinatayang 1,200 volunteers ang target nilang isali sa pag-aaral.

“Hindi pa natatapos yung mga trials (sa ibang bansa), ito ay ating mino-monitor at ng WHO, at sila nga ang nagsasabi na as of today wala pang ebidensya para sabihing ang ivermectin ay makakatulong sa may COVID-19.”

“Kaya hinihikayat nila ang mga bansa na magsagawa ng clinical trial para madagdagan ang impormasyon natin sa paggamit ng ivermectin, at magkaroon tayo ng karanasan, ang mga Pilipino, kung paano mag-respond sa gamot na ito.”

Mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic, ilang clinical trials na ang ginawa ng DOST-PCHRD para sa mga posibleng gamot at supplement ng coronavirus patients.

Kabilang na rito ang herbal medicines na lagundi, tawa-tawa, at virgin coconut oil. Pati na ang ilang “off-labeled drugs” tulad ng melatonin at avigan.

“Sa pangkalahatan basta walang problema at ma-achieve yung target na sample size sa mga pag-aaral na ito, ay matapos ng June.”