Nangunguna si Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. sa mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may pinakamataas na sahod noong 2024.
Ito ay base sa 2024 report on Salaries and Allowances ng Commission on Audit.
Lumabas na nakatanggap ang kalihim ng kabuuang sahod na P6.38 million noong nakalipas na taon. Tumaas ito ng P319,000 mula sa kaniyang sahod noong 2023 na nasa P6.06 million.
Sa inilabas na breakdown ng COA sa net pay ni Sec. Solidum, kabilang dito ang kaniyang basic salary bilang kalihim ng DOST, allowances, bonus, incentives at benefits; discretionary, extraordinary at miscellaneous expenses; dagdag na compensation at honorarium at mga adjustment mula sa mga nakalipas na taon.
Lumabas naman sa audit na walang nakuha si Solidum na compensation bilang board member ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Philippine Coconut Authority at National Dairy Authority. Bagamat nakatanggap si Solidum ng allowance na P13,500 bilang miyembro ng Board of Regents ng Batangas State University.
Pumangalawa naman na may pinakamataas na sahod sa Cabinet member ay si CHED Chairman Prospero de Vera III na may kabuuang income na P5.37 million noong 2024 mula sa P5.19 million noong 2023.
Pumangatlo naman si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na dating nanguna noong 2023 na may pinakamataas na sahod sa gabinete ni PBBM. Noong nakalipas na taon nakakuha ang kalihim ng net pay na P5.28 million mula sa P7.08 million.
Pang-apat si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na may net pay na P5.19 million, pang-lima naman si Labor Secretary Bienvenido Laguesma na may net pay na P5.19 million.
Pang-anim naman si Health Secretary Teodoro Herbosa na nakakuha ng net pay na P5.11 million, pang-pito si Information and Communications Technology Secretary Ivan Uy (P5.03 million); pang-walo si Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III (P4.99 million); pang-siyam si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel (P4.96 million) at pang-sampu si Public Works Secretary Manuel Bonoan (P4.95 million).