LA UNION – Hindi naging sagabal sa mga regular na blood donors ang mahigpit na pagpapatupad na minimum health standards upang makibahagi muli ang mga ito sa Dugong Bombo sa Bacnotan, La Union.
Isa si Nonilon Laigo ng Bacnotan, La Union, sa mga successful blood donors na sinamantala ang pagkakataon dahil napalapit na sa kanilang lugar ang naturang taunang blood letting activity ng Bombo Radyo.
Naging suki na rin ng Dugong Bombo si Laigo sa laging pag-donate ng sariling dugo dahil sa paniniwala nito na may maililigtas na buhay sa kanyang ginagawa.
Nahikayat naman ang 61-anyos at dating sundalo na si Mang Crispin Parong na magbigay ng sariling dugo dahil nais din nitong makatulong ngayong panahon ng pandemya.
Maliban sa pagpapatupad ng batas, nakibahagi rin ang ilang pulis na kasapi ng Training Service Regional Special Training Unit-1 na pinangunahan ni PM/Sgt. Allan Rebustillo.
Ayon kay PMSgt. Rebustillo, masaya rin ito dahil naging partner sila ng Bombo Radyo at ng Philippine Red Cross, at tiniyak nito na nakahanda ang kanilang suporta sa mga isasagawa pang blood letting project.
Unang araw lamang kahapon ng Dugong Bombo sa La Union at masusundan pa ang aktibidad na ito na gaganapin naman sa araw ng Sabado sa bayan ng Bangar sa lalawigan.