-- Advertisements --

Ikinokonsidera raw ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pansamantalang pagsasara sa Manila Baywalk Dolomite Beach hanggang matapos ang expansion nito.

Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, plano raw ng DENR na isara lahat maging ang natapos nang bahagi ng dolomite beach habang isinasagawa ang construction sa ilang bahagi ng kontrobersiyal na beach.

Aniya, posibleng pagkatapos daw ng Undas ay isasara na ang dolomite beach at saka na lamang bubuksan kapag tapos o nakumpleto na ang expansion nito.

Mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3, ay isasaraw ang dolomite beach alinsunod na rin sa direktiba ng Inter Agency Task Force (IATF) para sa pag-obserba ng Undas o All Souls’ at All Saints’ Days.

Kung maalala, umani ng samu’t saring reaksiyon ang pagbuhos ng mga namamasyal sa dolomite beach noong Linggo.

Kahapon nang humingi ng paumanhin si DENR Sec. Roy Cimatu dahil hindi na nasunod ang social distancing sa pagbubukas ng Dolomite beach dahil sa sobrang dami ng taong nagtungo sa lugar.

Kasunod nito, sinibak naman nito ang Manila Bay Coordinating Office deputy executive director na si Jacob Meimban Jr. bilang ground commander ng Dolomite beach dahil na rin sa naturang insidente.