-- Advertisements --

Muli ng bubuksan sa publiko ang kontrobersiyal na pasyalan na Manila Bay Dolomite beach sa Hunyo 12 kasabay ng pagdiriwang ng ika-124 anibersaryo ng araw ng kalayaan sa bansa ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Magugunita na inisyal na itinakda ang muling pagbubukas ng dolomite beach noong Mayo subalit ito ay ipinagpaliban muna dahil sa isinagawang pagsasaayos sa ilang imprastruktura sa dolomite.

Iginiit ni DENR Acting Secretary Jim Sampluna na ang dolomite beach ay isang magandang legacy ng Duterte administration kung kayat target na mabuksan ito bago matapos ang termino ng Pangulong Duterte.

Samantala, sinabi naman ni Manila Bay Coordinating Office (MBCO) Executive Director Jacob Meimban na ang muling pagbubukas ng dolomite beach ay para lamang sa nais na bumisita, maglakad-lakad at para sa sunset viewing at hindi pinapayagan ang pagligo sa naturang beach dahil ang kalidad ng tubig nito ay hindi pasok sa standard fecal coliform level na 100 most probable number per 100 milliliters (MPN/100 mL).

Positibo naman si meimban na gaganda ang kalidad ng tubig sa lugar sa katapusan ng taon habang ang isa sa station sa dolomite beach ay nasa 920MPN per 100 milliliters coliform level na batay sa datos noong Mayo 13.

Sa oras na muling magbukas ang dolomite beach ay nasa 1,500 hanggang 3,500 katao ang papayagang makapasok sa partikular na oras para matiyak na striktong maipatupad ang minimum health protocols.

Hindi na kailangan pa ang online pre-registration para sa mga bibisita sa dolomite beach sa ilalim ng Alert level 1 subalit dapat ay fully vaccinated kontra sa COVID-19. Top