-- Advertisements --

May tsansa umano ang mga local at overseas Filipino workers (OFWs) na makakuha ng trabaho at mabakunahan laban sa coronavirus disease sa darating na Mayo 1, araw ng Sabado.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III na ang posibleng pagbabakuna sa Labor Day ay plano mismo ni National Task Force against COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez Jr.

Bukod daw kasi sa job fair at job summits ay maaari na ring ipagpatiloy ang vaccination program sa unang araw ng Mayo, sa oras na maging available na ang dagdag na mga bakuna sa bansa.

Ito raw ay para sa mga manggagawa, partikular na ang mga overseas Filipino workers (OFW).

Subalit hindi naman daw sinabi ni Galvez kung ilang vaccine doses ang gagamitin sa nasabing aktibidad.

Target ng ahensya na gamitin ang plaza malapit sa Manila City Hall bilang vaccination site.

Sa kabilang banda, iniulat ng Labor department na nakalikom na ito ng 18,000 job vacancies mula sa 400 employers para sa online job fair na isasagawa sa May 1.