Kasunod ng inilabas na pahayag ng Department of Health, binigyang diin din ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi kabilang sa mga kondisyon para maging kalipikado sa emergency employment assistance programs ng pamahalaan ang pagsuporta para sa inisyatibo sa pag-amyenda sa Konstitusyon.
Ginawa ng DOLE ang naturang pahayag kasunod na rin ng isiniwalat ni Senator Imee Marcos na iniaalok umano ang mga aid programs ng pamahalaan kabilang ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers (TUPAD) at Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) ng DOH bilang insentibo sa mga distrito kapalit ng paglagda sa people’s initiative para sa charter change.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, tanging ang disadvantaged at displaced workers lamang ang kwalipikado na makakuha ng mga benepisyo sa ilalim ng TUPAD program.
Paliwanag pa ng kalihim na handa ng DOLE na imbestigahan ito sakaling may ihaing reklamo kaugnay sa pagpapatupad ng naturang emergency employment program para sa mga lalagda sa petisyon.
Hindi naman naiwasan ng kalihim na malungkot at magpahayag ng galit dahil aniya isang magandang program ang TUPAD na may layuning matulungan ang mga lehitimong ma benepisyaryo at hindi para gamiting insentibo sa pulitikal na aspeto.
Iginiit din ng kalihim na hindi papahintulutan ng ahensiya na maging kasangkapan ito sa mga gawaing labag sa batas.
Nagpaalala naman ang kalihim sa publiko na huwag maniniwala sa mga nagsasabing pagkakalooban sila ng benepisyo sa ilalim ng TUPAD para lamang ibigay ang kaniyang lagda dahil hindi ito tama at hindi rin aniya ito ang pamantayan at alituntunin ng DOLE.