Nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga job hunters dahil sa panibagong scheme sa internet.
Nakarating sa impormasyon ng DOLE na gumagamit ng mga pekeng onlinepages para sa oportunidad sa trabaho at mga pekeng job interviews.
Dito ay hinihikayat ang mga biktima na maglagak ng security deposit at bayad sa Health Maintenance Organization para sa pagproseso ng aplikasyon sa kanilang target na trabaho.
Gumagawa rin ang mga ito ng pekeng kontrata, kung saan gamit pa ang logo ng mga bangko para gawing kapani-paniwala ang pinakikita nilang dokumento.
Paalala ng DOLE na suriin nang husto ang bawat post, beripikahin ang proseso ng pag-hire at huwag magpapadala ng pera.
Maging mapagbantay at matalino rin para maiwasang maging biktima ng mga panloloko.
Kung lagpas na sa normal na benepisyo ang ipinapangako, mainam na umanong tumawag sa DOLE upang masuri kung lehitimo ang job opportunities na available.